Dalawang araw na nakipagbayanihan sa SAVS ang mga pulis mula sa 3rd Forward Platoon Base ng Catanduanes 1st Police Mobile Force Company na nakabase sa Codon Detachment, Huwebes at Biyernes noong nakaraang linggo.
Tumulong sa paglilinis, pagpipinta, at pagkukumpuni at paglalagay ng mga bagong istruktura sa loob at palibot ng paaralan ang mga alagad ng batas.
Sa panayam ng SAVS Online kay Patrolman Rogelio Balance, ang Community Relations Officer ng grupo, malaki umano ang pasasalamat nila sa mga pagkakataong naiimbitahan sila sa mga proyekto ng paaralan at ng komunidad.
Aniya, ang pakikilahok sa mga ito ay ang kanilang paraan upang lalong mapalapit sa mga tao sa komunidad at ipakita na hindi lamang sa pagsugpo ng mga krimen maaasahan ang pulisya kundi pati na rin sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga tao.
Sa katunayan, aniya, ay aktibo sila sa pakikipagtulungan sa mga barangay at iba't ibang ahensya sa mga proyekto gaya ng paglilinis ng mga dalampasigan, pagtatayo ng mga imprastraktura, pakikipagtulungan sa mga magsasaka at marami pang iba.
Nabanggit din ng opisyal na nitong mga nakaraang araw ay madalas silang naiimbitahan ng mga grupo ng mga mag-aaral sa Senior High School ng SAVS upang umalalay sa kanilang mga community-based projects.
Nanawagan ang mga pulis sa mga kabataan na patuloy na sumunod sa mga pinatutupad na mga alituntunin ng pamahalaan upang masugpo sa lalong madaling panahon ang pandemya at nang makabalik na sa inaasam na face-to-face classes ang mga mag-aaral.
Labis naman ang pasasalamat ang ipinaabot ng pamunuan ng SAVS sa pamamagitan ng Punungguro nito na si Gng. Maybelle Rubio at #BrigadaEskwela Coordinator John Dewey Chavez.
Panoorin ang interview sa video na ito:
(Panayam ni Jessie Joven, bidyo nina Migz Alberto at John Philip Tabuzo)

0 Comments